-- Advertisements --

Naniniwala si Akbayan party-list Representative Chel Diokno na maituturing na labag sa Konstitusyon sakaling mag-mosyon ang isang Senador para ibasura agad ang Articles of Impeachment sa oras na mag-convene ang Senado bilang impeachment court.

Ayon kay Diokno, na isang abogado, na base sa batas, dapat na litisin ang kaso sa oras na matanggap na ng Senado ang impeachment articles.

Aniya, walang choice ang Senado kundi litisin ang kaso dahil nakasaad sa konstitusyon na “forthwith” o agad-agad isasagawa ang trial o paglilitis, ibig sabihin ilalatag dito ang ebidensiya, testigo at mga dokumento.

Isa si Diokno sa mga prosecutor sa impeachment trial laban kay VP Sara.

Ayon sa mambabatas, hindi pa nila natatanggap ang notice para dumalo sa Senado sa Lunes, Mayo 18.

Sinabi rin ni Diokno na base sa kaniyang pagkakaalam, tanging ang mga Senate impeachment court pa lamang ang magco-convene sa araw ng Lunes.