-- Advertisements --

Pinuna ni dating Senador Richard Gordon ang kasalukuyang pamunuan ng Senado at ilang opisyal na may pananagutan umano sa naganap na kaguluhan at putukan sa gusali ng Senado noong Mayo 13, 2026.

Ayon kay Gordon sa panayam ng Bombo Radyo, ang insidente ay nagpapakita ng kakulangan sa seguridad at pamumuno, at hindi maaaring palampasin nang walang pananagutan mula sa mga namumuno.

Binanggit niya na ang Senado ay dapat maging huwaran ng kaayusan at respeto sa batas, ngunit ang nangyari ay malinaw na indikasyon ng pagpapabaya.

Dagdag pa ng dating senador, ang accountability ay mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon.

Ang kanyang pahayag ay kasabay ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, kung saan sinuspinde si Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula sa Senate leadership hinggil sa akusasyon ni Gordon, ngunit inaasahang tatalakayin ito sa susunod na sesyon.