Inilagay na sa “high-risk area” ang Strait of Hormuz para sa mga tripulanteng Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
Inanunsiyo ito ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong araw ng Sabado, Marso 7.
Ayon kay Migrant Workers USec. Bernard Olalia, pinalawig pa ang advisory para sa maritime sector kung saan klinasipika na rin ang kritikal na ruta para sa oil shipments bilang mapanganib na lugar.
Magbibigay daan naman ito para sa mga Pilipinong seafarers na tumangging sumampa sa barko na maglalayag sa naturang lagusan.
Sakali mang magtuloy ang kanilang barko sa lugar sa kalagitnaan ng kanilang paglalayag, may karapatan ang mga Pilipinong tripulante para sa umento sa benepisyo at sahod.
Sa kabatiran ng publiko, ang Strait of Hormuz ay matatagpuan sa pagitan ng Iran at Oman, kung saan idinaraan ang one-fifth ng kabuuang konsumo ng langis sa buong mundo.
Ito rin ay itinuturing bilang pinakamahalagang ruta ng iniluluwas na langis sa buong mundo, na nagkokonekta sa pinkamalalaking oil producers sa Middle East gaya ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, United Arab Emirates, Gulf of Oman at Arabian Sea.
Subalit, bunsod ng kamakailang mga pag-atake ng Amerika at Israel sa Iran, na gumanti rin laban sa dalawang bansa at sa mga kaalyado nila sa Gulf states, matinding naapektuhan ang oil shipping sa kritikal na lagusan.
















