-- Advertisements --

Nakahanda ang House Committee on Justice na talakayin ang anumang reklamo ng impeachment na pormal na itutukoy sa kanila ng plenaryo ng Kamara.

Ayon kay Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chairperson ng komite, gagampanan nila ang kanilang tungkulin nang may bilis ngunit may kaangkupang pag-iingat (urgency and restraint).

Sa isang forum sa Quezon City, binigyang-diin ni Luistro na ang impeachment ay isang “extraordinary power” na ibinibigay sa sovereign people upang matanggal ang isang nagkasalang opisyal. Dahil dito, naniniwala siya na dapat itong aksyunan nang walang pagkaantala at may matinding pagsusuri.

Naglabas ng pahayag ang komite sa gitna ng mga usap-usapan tungkol sa mga impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Gayunpaman, nilinaw ni Luistro na nakadepende ang lahat sa tamang proseso.

Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na aksyon mula sa Office of the Secretary General, na siyang unang tumatanggap ng mga reklamo bago ito i-refer sa plenaryo at sa kanyang komite.

Ipinaliwanag din ni Luistro na maaaring nagkaroon ng bahagyang antala sa pagproseso dahil nasa opisyal na biyahe sa Taiwan si Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil noong ihain ang ilang reklamo.

Iginiit ng mambabatas na irerespeto nila ang diskresyon at hurisdiksyon ng tanggapan ng Secretary General sa pagtanggap ng mga naturang dokumento.