-- Advertisements --

Nakaligtas sa RPG attack si Shariff Aguak Mayor Akmad Mitra Ampatuan ngayong araw Enero 25, 2026.

Kinumpirma ito ng kanyang secretary na si Anwar Emblaw.

Ayon kay Emblaw, hindi nasaktan ang alkalde dahil kaagad itong nailayo sa lugar ngunit dalawa naman sa kanilang security detail ang tinamaan at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Makikita sa inilabas na kuha ng CCTV na sakay ng isang puting mini van ang mga salarin kung saan bumaba ang sakay nito at pinasabugan ng rocket-propelled grenade (RPG-7) ang sasakyan ng alkalde kaninang umaga sa Poblacion ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Samantala, matapos ang insidente, kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation ng Datu Unsay Municipal Police Station katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit, Maguindanao del Sur Police Provincial Office at 90th Infantry Battalion, Philippine Army, napatay ang mga pinaghihinalaang suspect sa pananambang .

Kinilala ng PNP-BARMM ang mga nasawi na sina Budtong Pendatun, alyas “Rap-Rap”, Teks Pendatun; at alyas na “Puasa.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.