May kutob ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na alam at napaghandaan ng negosyanteng si Atong Ang ang pag-isyu ng arrest warrant laban sa kaniya.
Nasabi ito ni PNP-CIDG National Capital Region Chief PCol. John Guiagui dahil sa lawak na rin ng resources at koneksiyon na mayroon si Ang sa buong bansa.
Kayat aminado ang police official na nahihirapan silang matunton ang kinaroroonan ng puganteng si Ang. Subalit, tiniyak ni Col. Guiagui na hindi ito hadlang sa kanilang isinasagawang manhunt operation.
Naniniwala rin ang ahensiya na kasalukuyang kumikilos si Ang at nananatiling nasa loob pa rin ng bansa. Wala aniyang rekord na lumabas ng Pilipinas si Ang kayat puspusan ang kanilang paghahanap sa negosyante hanggang siya ay tuluyan nang mahuli.
Patuloy naman ang pagberipika ng mga awtoridad sa kanilang mga natatanggap na tips at impormasyon mula sa kanilang hotline.
Matatandaan, nauna ng pinalutang ng whistleblower na si Julie Patidongan, na nagturo rin kay Ang bilang utak umano ng pagkawala ng mga sabungero, na nakalabas na umano ng bansa si Ang.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame nitong Lunes, inihayag ni PNP spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño na iniimbestigahan na rin ang ilang aktibo at retiradong pulis kabilang ang senior officials na posibleng tumutulong kay Ang.
Kasalukuyang may dalawang arrest warrant na inisyu laban kay Ang mula sa korte ng Laguna at Batangas.
Nananatili rin ang patong sa ulo ni Ang na P10 million para sa kaniyang pagkakaaresto.
















