-- Advertisements --

Naglagak ng piyansang P90,000 si dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong graft may kaugnayan sa P92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ang inilagak na piyansa ni Revilla ay para lamang sa kasong graft sa Fourth Division Clerk of Court nitong hapon ng Martes, Enero 20 dahil walang kaukulang piyansa ang kaniyang kasong malversation.

Nangangahulugan na hindi pa rin mapapalaya si Revilla habang nakabinbin ang kasong malversation sa anti-graft court.

Sa ngayon, nakadetine si Revilla sa New Quezon City Jail sa Payatas, base sa commitment order na inilabas ng Sandiganbayan Third Division.

Nahaharap ang dating Senador sa mga kasong graft at malversation of public funds through falsification of public documents sa Sandiganbayan Fourth at Third Division.

Ang mga kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman matapos ang isinagawang imbestigasyon sa pakikipagtulungan sa Department of Justice, kung saan may nakitang probable cause na walang proyektong nagawa kahit pa ito ay idineklarang kumpleto na o natapos na.