-- Advertisements --

Marami na umano ang nakulong at nakasuhan mula noong nabunyag ang malawakang korapsyon sa flood control at iba pang public infrastructure project sa buong bansa.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon, nauunawaan ng administrasyon ang galit at ang inis ng publiko sa mga nabunyag na malawakang korapsyon ngunit kailangan aniyang maging maingat ang pamahalaan sa paghahain ng kaso laban sa mga sangkot.

Sa katunayan aniya, umabot na sa mahigit 30 indibidwal ang nakakulong at nakasuhan mula noong 2025 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hudyat ng pagsisimula ng mga serye ng imbestigasyon.

Ang mga ito, ayon kay Sec. Dizon, ay hindi simpleng mga personalidad kundi mga mambabatas, DPWH officials, District engineers, contractors, at maging ang dating kalihim na itinalaga ni Pang. Marcos na si Sec. Manny Bonoan.

Hindi aniya madali ang pagsasagawa ng case build-up at serye ng imbestigasyon, kayat tinitiyak ng administrasyon na hindi basta mababasura ang mga inihahaing kaso laban sa mga sangkot sa korapsyon.

Nanindigan si Dizon na hindi ‘maliliit na isda’ ang mga nakulong dahil sa nabunyag na iskandalo tulad ng mag-asawang Curlee at Sara Discaya, Sen. Jinggoy Estrada, at dating Sen. Ramon Revilla, sa kabila pa ng puna ng mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Dizon, nananatili ang pokus ng DPWH sa pagsusuri sa lahat ng mga proyektong nababalot sa korapsyon at hindi kinakalimutan sa paglipas ng panahon.

Nangako ang kalihim na mas marami pang indibidwal ang makukulong at makakasuhan dahil sa nabunyag na korapsyon, habang nagpapatuloy ang case build-up at referral sa Office of the Ombudsman.