Tumestigo ang isang liaison officer ng SYMS Construction na ilang beses umano siyang naghatid ng mga kahon ng pera kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer Brice Hernandez mula pa noong 2021.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Fourth Division kaugnay ng graft trial ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan, sinabi ni Monica Ocampo-Santos na ginawa niya ang mga cash delivery sa utos ng kanyang aunt-in-law na kontratistang si Sally Santos.
Ayon kay Ocampo-Santos, mahigit sampung beses siyang naghatid kay Hernandez ng pera, na tinukoy ng hukuman bilang “ganansya” o kita mula sa mga proyekto.
Nauna na rin niyang isiniwalat na noong May 20, 2025, naghatid siya ng P299 milyong halaga ng pera na nakalagay sa mga kahon ng grocery items tulad ng chips, noodles, toyo, at kape.
Ang nasabing halaga ay kaugnay umano ng limang infrastructure projects, kabilang ang P74 milyong pondo para sa sinasabing ghost flood control project sa ilalim ng National Expenditure Program.
Dagdag pa niya, nasaksihan din niya ang hiwalay na delivery ng P400 milyon na ibinigay umano ng contractor sa parehong engineer.
Ipinunto rin ni Ocampo-Santos na kabilang si Hernandez sa mga naging principal sponsor sa kanyang kasal noong 2022, kasama si dating DPWH Bulacan First District Engr. Henry Alcantara at iba pang opisyal na sangkot sa kaso na sina Jaypee Mendoza at Juanito Mendoza.
















