Tumestigo sa Sandiganbayan Third Division si suspended Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st Distruct Engineering Office Engr. John Carlo Rivera na nangolekta umano siya ng commitment fees mula sa mga kontraktor sa utos noon ng kaniyang dating superior na si dating district engineer Henry Alcantara
Ang pagharap ng testigo ay sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig sa kasong malversation na walang inirerekomendang piyansa kaugnay sa flood control scandal laban kina dating Senador Ramon Revilla, dating DPWH officials na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza at iba pa.
Isinalaysay ni Rivera na inutusan siya ni Alcantara na gumawa ng listahan ng flood control projects na isasama sa National Expenditire Program, general appropriations at unprogrammed appropriations. Tinukoy din aniya sa naturang listahan ang mga proponent, government officials at contractors na nagbayad ng commitment fee sa project proponents o public officials at ang mga kontraktor na nagbayad ng commitment fee matapos i-award ang mga kontrata.
Inamin naman ni Rivera na mayroon siyang reservations noon kaugnay sa mga ipinapagawa sa kaniya nang tanungin ng hukom kung inisip niya ang magiging implikasyon ng kaniyang mga naging aksiyon.
Sa kabila ng pagdududa, tumestigo si Rivera na ipinagpatuloy niya ang pagsasagawa ng mga iniaatas sa kaniya kabilang ang pag-coordinate sa mga kontraktor at pagtanggap umano ng commitment fees.
Inamin din niyang ilegal ang pangongoleka ng fees subalit ginawa pa rin niya dahil sinusunod lamang niya ang utos sa kaniya ni Alcantara.
Ayon pa sa testigo, nasa 50 beses siyang nakatanggap ng commitment fee deliveries mula sa mga kontraktor sa pagitan ng taong 2022 at 2025 at tinurn-over ang pera kay Alcantara.
Pinangalanan din niya ang mga kontraktor na umano’y naghatid ng commitment fees kabilang ang JB Construction, Triple A Construction, Topnotch Builders, Flordes Construction, at IM Construction. Ilan aniya sa mga kontraktor ay nagdeliver ng fees ng tatlo hanggang apat na beses kung saan bawat delivery ay nagkakahalaga ng tinatayang P10 million.
Inamin din ni Rivera na nakakatanggap siya ng P10,000 kada buwan maliban sa kaniyang sahod mula sa gobyerno nang tanungin kung nagbenepisyo siya mula sa naturang scheme.
Ayon pa kay Rivera, posibleng sina Alcantara at dating DPWH USec. Roberto Bernardo ang nasa likod ng flood control kickback scheme sa Bulacan. Ito ang tugon ni Rivera nang tanungin siya ni Sandiganbayan 3rd Division senior member Associate Justice Ronald Moreno kung sina Bernardo at Alcantara ang pasimuno ng naturang scheme.
Si Alcantara at Bernardo nga ay kabilang sa mga state witness ng proseckusyon sa kaso ng flood control corruption.















