Isiniwalat sa korte ng isang testigo at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara na umano’y umabot sa P90 million ‘kickback’ fee ang kanilang nalikom para kay dating senator Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng isang flood control project sa Bulacan.
Sinabi pa ng dating DPWH District Engineer na inatasan siya ng kanyang dating boss na si dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na mangolekta ng naturang halaga mula sa mga contractor.
Ayon kay Alcantara, kinuha ang pera mula sa advance payments ng mga contractor at ipinadala umano ito sa isang hotel sa Roxas Boulevard sa pamamagitan ng kanyang driver.
Aniya, ang P90 million ay inilagay sa apat hanggang limang bank boxes na naglalaman ng tig-P20 million ang bawat isa.
Gayunpaman, sinabi ng isang testigo na hindi niya maalala kung direkta bang natanggap ni Revilla ang buong halaga ng pera.
Ayon pa kay Alcantara, siya ang pumipirma sa mga dokumentong nag-autorisa sa bayad para sa P92.8 million na flood control project sa Pandi, Bulacan, kahit hindi siya mismo ang nagsagawa ng inspeksyon sa proyekto.
Umaasa lang din daw kasi siya sa mga report sa kanya ng mga subordinates na nagsasabing naging maayos ang isinagawang proyekto.
Kalakip umano nito ang mga larawang ipinapakita sa kanya bilang patunay na tapos na ang kanilang trabaho, kaya napipilitan aniya siyang pumirma sa mga dokumento.
















