Tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ng Office of the Ombudsman na kusang mag-inhibit o umayaw sa pagdinig ng kaso si Associate Justice Ronald Moreno dahil sa umano’y pagkiling nito kay dating Senador Bong Revilla Jr.
Ayon sa ulat noong Oktubre 26, 2026, ibinasura ng anti-graft court ang mosyon dahil sa kawalan ng sapat na merit.
Iginiit ng mga tagausig ng Ombudsman na ang paraan ng pagtatanong ni Moreno sa mga testigo at ang ilang pahayag nito sa mga pagdinig ay nagpapakita umano ng pagkiling sa panig ni Revilla.
Si Moreno ay isa sa dalawang mahistradong bumoto pabor sa pagpapalaya kay Revilla sa pamamagitan ng piyansa sa kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang ₱92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan. Bumoto naman laban dito si Associate Justice Karl Miranda.
Nahaharap si dating Senador Bong Revilla Jr. sa kasong malversation of public funds dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ghost flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Pandi, Bulacan, na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon.
Ayon sa mga alegasyon, ginawa umano ang pagpapalabas ng pondo kapalit ng 25 porsiyentong komisyon.















