-- Advertisements --

Naghain ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at malversation sa Sandiganbayan laban sa anim na empleyado ng DPWH Region XII at pitong pribadong indibidwal ukol sa umano’y P491.9-milyong road right-of-way (RROW) scam sa General Santos City.

Kabilang sa mga ipinadedemanda sina dating Regional Director Subair Saro Diron at dating Assistant Regional Director Laureano B. Suan Jr. matapos makakita ang Ombudsman ng sapat na ebidensya para sa 18 counts ng malversation at 18 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nag-ugat ang mga kaso sa pagsusuri ng NBI kaugnay ng bayad sa RROW sa 18 parsela ng lupa para sa Digos-Makar National Road na ginamitan umano ng mga nirepaskong pekeng dokumento.

Batay sa salaysay ng saksing si Roberto Catapang Jr., nagkaroon ng kuntsabahan upang palobohin ang halaga ng pondo gamit ang 2009 appraisal value para sa mga lupang nakuha pa noong bahagi ng dekada ’90.

Bukod sa mga kasong kriminal, ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagkakatanggal sa serbisyo ng dating Legal Officer ng DPWH Region XII na si Ansare Mariga Busran.