Kinalampag ng mga progresibong grupo ang Office of the Ombudsman upang hilingin ang agarang paghahain ng kaso laban kay Senador Joel Villanueva at iba pang dawit sa kontrobersiyal na flood control scandal.
Sa ikinasang protesta ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) sa tanggapan ng Ombudsman, binigyang-diin ng grupo na mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na “hinog na” o handa na ang pagsasampa ng plunder case laban sa senador.
Ayon kay SPARK PUP Coordinator John Christian Ancheta, ikinababahala nila na natapat ang pagkaantala ng kaso sa pagharap ni Villanueva sa special session na pinamunuan ng bagong Senate Majority bloc.
Dahil dito, nagpahayag ng pangamba ang grupo na baka mag-atubili ang Ombudsman na ituloy ang reklamo o kaya nama’y ibaba ito sa mas magaan na kasong may piyansa.
Bunsod nito, nanawagan ang mga raliyista na panagutin ang Ombudsman sa tila pagpapabagal sa proseso sa halip na mabilisang papanagutin ang mga sangkot sa anomalya.
Matatandaang noong 2025, nakaladkad ang pangalan ni Villanueva sa isyu matapos ibunyag ni dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara na nakatanggap umano ang senador ng ₱150 milyong kickback para sa ₱600-milyong multi-purpose building project sa lalawigan, alegasyong mariing pinabulaanan ng senador.
















