-- Advertisements --

Tinanggal na bilang respondents sina former DPWH Engr. Henry Alcantara at kontratistang si Sally Santos sa tatlong reklamong ‘malversation’ na kanilang kinakaharap.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ito’y sa kadahilanang sila’y itinuturing bilang ‘state witness’ sa naturang kaso may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Bukod sa ‘malversation case’, lusot rin ang mga nabanggit sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kung kaya’t kinumpirma ni Justice Spokesperson Martinez na tuluyang isinampa na bilang mga kaso ang tatlong malversation case.

Aniya’y inihain ang mga kasong ito noong ika-30 ng Enero, ika-9 at 13 ng sumunod na buwan ng Pebrero sa Regional Trial Court ng Bulacan.

Subalit alinsunod sa resolusyon ng Korte Suprema, ang naturang mga kasong graft at maleversation ay inilipat sa Quezon City Regional Trial Court.

Ang nabanggit kasing korte ay ang siyang itinalagang ‘special court’ ng Kataas-taasang Hukuman para sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon sa flood control.

Inilahad naman ni DOJ Spokesperson Martinez ang mga kasong naihain na sa korte at naibalik sa Office of the Ombudsman.

Nag-ugat ang naisampang 3 malversation case sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan kung saan dawit maging ang SYMS Construction Trading.

Bagama’t ‘dismissed’ bilang respondents sina Henry Alcantara at Sally Santos, kinasuhan naman ang mga kapwa akusado ng mga ito na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at iba pa.