-- Advertisements --

Dinoble ng Office of the President ang cash incentives na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga atletang Pilipino nag-uwi ng medalya mula sa 33rd South East Asian Games sa Thailand.

Sa homecoming celebration na ginanap sa Foro Intramuros, Maynila, 

Ginawa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang anunsiyo na tatanggap ang mga atletang nakasungkit ng gintong medalya ng P300,000.

P150,000 naman para sa mga silver medalist at P60,000 para sa bronze medalists.

Ang halagang ito ay bukod pa sa kaparehong cash incentives na ipinagkakaloob sa ilalim ng Republic Act 10699 o Athletes and Coaches Incentives Act.

Umabot sa 277 ang kabuuang medalyang naiuwi ng mga atletang Pinoy sa nakaraang SEA games kung saan, 50 ang nasungkit na gintong medalya, 73 ang silver medal at 154 ang bronze.

Ayon sa Pangulo, magbibigay rin ang OP ng ₱10,000 sa bawat atletang nagwagi sa mga kompetisyong hindi saklaw ng SEA Games bilang karagdagang insentibo.

Pinuri ni PBBM ang mga atletang Pilipino sa isang pagtitipon bilang pagkilala sa kanilang naging tagumpay, at kinilala ang ipinamalas nilang husay, tibay ng loob, at dedikasyon habang kinakatawan ang bansa sa kompetisyon.

Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang mga makasaysayang tagumpay ng ilang atleta, kabilang si Alex Eala, ang kauna-unahang Filipina na nagwagi ng SEA Games gold medal sa women’s singles tennis sa loob ng 26 na taon; si EJ Obiena, na nagkamit ng kanyang ikaapat na sunod na SEA Games gold sa men’s pole vault; at ang Philippine Women’s National Football Team, na nag-uwi ng kauna-unahang SEA Games football gold ng bansa sa inaugural women’s football tournament.

Ipinahayag din ng Punong Ehekutibo ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na paunlarin ang sports development sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng grassroots at youth sports programs, pagdaragdag ng mga pasilidad, at pagpapalakas ng suporta sa mga atletang lumalahok sa pandaigdigang kompetisyon.

Mahigit 1,500 atletang Pilipino ang lumahok sa 33rd SEA Games, na itinuturing na pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas sa kasaysayan ng naturang palaro.