Inakusahan ni Senador Imee Marcos ang Malacañang Staff matapos sabihing posibleng nagkasakit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa kakulangan ng tamang pangangalaga mula sa mga tao sa loob ng Palasyo.
Sa isang Facebook video, ibinahagi ni Imee ang kanyang mga saloobin, kung saan tinanong niya kung sino sa mga nakapaligid sa Pangulo ang talagang nagmamalasakit sa kanya.
“Wala kasing nag-aalaga sa kaniya. Sino ba diyan sa nakapaligid sa Palasyo, sa dinami-dami ninyo, ang talagang nagmamahal sa kapatid ko?” ani Imee.
Dagdag pa ng Senadora na ang kalusugan ng Pangulo ay posibleng lumala dahil sa kakulangan ng tamang atensyon.
Ginawa ng Senador ang pahayag matapos ipahayag ni Malacañang Press Officer Claire Castro na ang Pangulo ay isinailalim sa medical observation noong Huwebes, matapos makaramdam ng discomfort.
Sa kanyang video, hinimok ni Imee ang kanyang kapatid na unahin ang kanyang kalusugan at umiwas sa mga tao sa kanyang paligid, bagamat hindi niya pinangalanan ang mga ito.
Pinuna rin ni Imee ang mga indibidwal na tinawag niyang “feeling presidente.”
”Kung ano-ano naman ang ginagawa nitong mga feeling presidente. Naku,” dagdag pa ng Senadora.
‘Wala pang tugon ang Malacañang ukol sa paratang ng Senador.










