-- Advertisements --

Tumulong ang pamahalaan ng Singapore sa paglikas ng 24 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Jeddah, Saudi Arabia matapos magpadala ng repatriation flight para sa mga mamamayan nitong na-stranded dahil sa pagkagambala ng mga flight dulot ng tensyon sa Middle East.

Ito ang kinumpirma ng Palasyo ng Malakanyang.

Ayon kay Singapore Ambassador to the Philippines Constance See, nagpadala ang Republic of Singapore Air Force (RSAF) ng A330 Multi-Role Tanker Transport aircraft noong March, 12, 2026 upang iuwi ang mga Singaporean mula Jeddah.

Matapos unahing maisakay ang mga Singaporean at kanilang pamilya, pinayagan ding makasakay ang ilang dayuhan kabilang ang 24 Pilipino. 

Dumating ang eroplano sa Singapore noong Marso 13 bandang 5:59 ng umaga.

Sinabi ng embahador na naging posible ito sa koordinasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Philippine Consulate General sa Jeddah upang mapadali ang pagsama ng mga Pilipino sa naturang flight.

Ayon sa Singapore, ang hakbang ay nagpapakita ng solidarity ng mga bansa sa ASEAN, kung saan nagtutulungan ang mga magkakapitbahay na bansa sa panahon ng krisis upang matiyak na ligtas na makakauwi ang kanilang mga mamamayan sa kanilang pamilya.