Naghain sina Father Joel Saballa at iba pang mga complainants sa ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ng manifestation of waiver sa House Committee on Justice, kung saan tumanggi silang magsumite ng karagdagang sagot sa depensa ng bise presidente na tinawag nilang “non-answer.”
Ayon sa mga complainant, bigong sagutin ng kampo ni Duterte ang mahahalagang alegasyon, kabilang ang umano’y hindi maipaliwanag na paggastos ng P125 milyon sa loob ng 11 araw at kabuuang P612.5 milyong pondo.
Samantala, hiniling naman ng kampo ni Duterte na ibasura ang mga reklamo, dahil umano sa kakulangan ng sapat na batayan at paglabag sa kanyang karapatan sa due process.
Iginiit din nilang hindi pa tapos ang usapin sa confidential funds at walang patunay ng ilegal na yaman.
Ang mga reklamong impeachment ay may kinalaman sa umano’y paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Inihain nina Father Saballa ang manifestation of waiver sa pamamagitan ng electronic emaila kaninang alas-11:02 ng umaga.
















