-- Advertisements --

Nagpalabas ng opisyal na paalala ang Philippine Embassy sa France para sa buong Filipino community doon hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa illegal gambling at pagsasabong sa naturang bansa.

Isinagawa ng embahada ang pormal na abiso matapos silang alertuhin ng mga awtoridad sa France kaugnay ng mga ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng ilang kababayang Pilipino.

Ayon sa pahayag ng embahada, nakatanggap din ang mga lokal na awtoridad ng mga reklamo ukol sa pambubulahaw sa kapayapaan ng pamayanan at kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura na nauugnay sa mga naturang pagtitipon.

Binalataan ng tanggapan ang mga Pilipino sa France na ang ilegal na pagsasabong ay itinuturing na isang uri ng animal cruelty na may kaukulang parusang tatlong taong pagkabilanggo at mumultahan ng 45,000 euros.

Dahil dito, muling nakiusap ang embahada sa lahat ng mga kababayan na igalang at sundin ang mga umiiral na batas sa France upang maiwasan ang anumang legal na suliranin at mapanatili ang magandang reputasyon ng mga Pilipino sa ibang bansa.