Umapela si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. Jay Tarriela na madagdagan ang mga barko at asset ng pamahalaan upang higit na maprotektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa kanlurang baybayin ng bansa.
Ang naturang panawagan ay kasunod ng panibagong insidente ng pambabangga kung saan sinadyang banggain ng isang China Coast Guard vessel ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng resupply mission sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tarriela, kinakailangan ng bansa ang mas maraming Coast Guard at BFAR assets na maidedeploy upang regular na maikutan at mapatrolyahan ang kabuuan ng pinag-aagawang karagatan.
Binigyang-diin ng opisyal na ang pagpapadala ng mas malaking convoy ng mga barko ay makatutulong upang maitaboy at mas lumayo ang mga Chinese vessel na patuloy na nanghaharass sa mga Pilipino.
Bukod sa dami ng mga patrol vessel, ipinostura rin ng pamunuan ng PCG ang mahalagang pangangailangan para sa mas malalaki at mas matitibay na barko upang matugunan ang lumalalang banta sa seguridad ng bansa.















