Upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon matapos ang mapangwasak na lindol noong nakaraang taon, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. nitong Lunes ang paglulunsad ng Learning Continuity Space (LCS) at YAKAP at Kalinga Caravan sa Bogo City, Cebu.
Ginanap ang aktibidad sa Marcelo B. Fernan-Polambato Elementary School.
Layunin ng inisyatibo na maghatid ng direktang suporta sa pag-aaral gayundin ng pangunahing serbisyong medikal para sa mga estudyante, guro, at residente ng komunidad.
Bilang karagdagang tulong, nagkaloob ang Office of the President ng internet kit, 181 school bags para sa mga mag-aaral ng Kindergarten at Grade 1, at 800 packed goods para sa mga dumalo sa kaganapan.
Matatandaang niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang lugar noong Setyembre 2025, kung saan dose-dosenang indibidwal ang nasawi.
Matapos ang trahedya ay personal na binisita ng Pangulo ang mga naging biktima upang alamin ang kanilang kalagayan at pangangailangan.
















