Naghain ng notice of appeal ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) upang baliktarin ang desisyon ng Appeals Chamber na i-reject ang interim release o pansamantalang pagpapalaya sa dating Pangulo.
Sa anim na pahinang dokumento na may petsang Enero 28 na isinumite ng kampo ni Duterte, hiniling nila ang kanyang agarang pansamantalang paglaya, sa ilalim ng mga kondisyong maaaring ipatupad ng isang state party ng international court.
Iginiit ng kampo ng dating Pangulo na nagkamali umano ang Pre-Trial Chamber I ukol sa hindi nito pagsalang-alang sa medical report na kanilang isinumite.
Ayon pa sa kanila, malinaw umano na nakasaad sa medical report ang patuloy na paglala ng kalusugan at paghina ng cognitive condition ng dating pangulo.
Sinabi pa ng kampo ni Duterte na obligasyon ng Pre-Trial Chamber na ikonsidera ang naturang report sa regular na pagsusuri nito kung kinakailangan pa ang patuloy na pagkakaditene ni Duterte sa The Hague.
Maalalang noong Enero 26, nagpasya ang Pre-Trial Chamber I na may sapat pa ring batayan na maaari paring makagawa si Duterte ng mga krimeng saklaw ng hurisdiksyon ng ICC.
Sa parehong araw, itinuring din ng chamber na may kakayahan si Duterte na makilahok sa mga pre-trial proceedings kaugnay ng kasong crimes against humanity na iniuugnay sa mga pagkamatay ng libo-libong mga Pinoy dahil sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.
Tinanggihan din ng ICC ang hiling ni Duterte para sa indefinite adjournment.
Samantala itinakda ng korte ang pagsisimula ng confirmation of charges hearing ni Duterte sa Pebrero 23, 2026.
















