Siyam (9) sa 11 bangkay na narekober mula sa patuloy na search operations kaugnay ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 roll-on/roll-off (RoRo) ferry ang naibigay na sa kanilang mga kaanak, ayon sa Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa pahayag ng PDRRMO, apat sa mga bangkay ang inihatid patungong Sulu, habang lima naman ang dinala sa iba’t ibang destinasyon sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG).
Dalawa pang bangkay ang hindi pa kinukuha ng kanilang mga pamilya.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang PCG sa mga naulilang pamilya.
Noong Huwebes, umakyat na sa 29 ang bilang ng mga nasawi sa insidente matapos marekober ang 11 pang bangkay sa nagpapatuloy na search and retrieval operations.
Dahil dito, nananawagan ng hustisya ang mga pamilya ng mga nawawalang pasahero at humihiling ng mas malawak na rescue operations. Ito ay matapos sabihin ng PCG, na batay sa ship manifest, 10 indibidwal lamang ang itinuturing na nawawala.
Maaalalang lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Pilas Island, Basilan noong Enero 26.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin natatagpuan ang mismong RoRo vessel.
Ayon sa mga awtoridad, wala pang nakikitang bakas ng barko ang remotely-operated vehicle kahit umabot na ito sa seabed.
















