-- Advertisements --

Wala pa umanong binubuo o itinatag na legal team si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tatayo bilang kaniyang depensa sa inihaing impeachment complaints.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na hindi pa napag-uusapan ang naturang usapin.

Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng nakatakdang pulong ng House Committee on Justice sa Lunes, kung saan inaasahang iko-consolidate ang dalawang impeachment complaints na inihain laban sa Pangulo.

Dagdag pa ni Castro na batid ng Pangulong Marcos ang proseso ng impeachment at susunod ito sa itinakda ng batas.

Sinabi ni Castro na sa kanilang pag-uusap ng Pangulo kagabi wala umanong natalakay na mga posibleng senaryo kaugnay ng impeachment na inihain laban sa kaniya.

Ipinaliwanag ni Castro na ang tanging pahayag ng Pangulo ay alam nito ang proseso at handa siyang sumunod dito na naaayon sa batas.

“ Natanong ko po siya kagabi pero ang sabi lang po sa atin ng Pangulo ay alam niya ang po ang proseso at susunod lamang siya sa proseso. Ganoon lang po.

 Wala po, wala pa po. Hindi pa po napag-uusapan iyon,” tugon ni USec. Claire Castro.