Naglabas ng anunsyo ang Department of Transportation (DOTr) na pinayagan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang ilang shipping lines na nakapasa sa safety regulations na bumiyahe sa mga rutang dating hawak ng Aleson Shipping Lines, matapos masuspinde ang operasyon ng kompanya.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng direktiba ng Pangulo na tiyaking may ligtas na masasakyan pa rin ang mga pasahero, matapos ang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong Lunes.
Kabilang sa mga rutang binigyan ng special permit ay mula Zamboanga City papuntang Isabela City, Siasi, Sulu, Jolo, Sulu, at Bongao, Tawi-Tawi.
Kasama rin ang rutang Pulauan, Dapitan City-Dumaguete City at Dumaguete City-Siquijor/Larena.
Nakatakda ring magbigay ng permit ngayong araw para sa shipping line na maglilingkod sa rutang Zamboanga-Lamitan City at vice versa.
Sakaling kulangin ang mga barko, tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na handa silang magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero upang matiyak na walang maiiwang stranded.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layon ng pamahalaan na mapanatili ang kaligtasan at tuloy-tuloy na serbisyo sa mga rutang kritikal para sa mga residente ng Mindanao at Visayas.















