-- Advertisements --

Inihalo na sa general population ng New Quezon City Jail Male Dormitory si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., isang linggo matapos siyang maipasok sa kulungan.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), makakasama ni Revilla sa isang selda ang anim na iba pang persons deprived of liberty (PDLs) na walang kaugnayan sa kaso ng anomaliya sa flood control project sa Bulacan.

Si Revilla at apat sa kanyang co-accused ay nakatapos na ng mandatoryong pitong araw na mandatoryong medical quarantine para sa mga bagong PDL kayat inilipat na ang mga ito sa ordinaryong selda nitong Martes.

Hinaharap nila ang kasong malversation of public funds at falsification of public documents kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sinabi ng BJMP na ang mga kasamang inmate ni Revilla ay mga low-risk PDLs, batay sa security, medical, at legal assessment. Nanatili naman ang mahigpit na seguridad dahil sa high-profile na katangian ng kaso, at hindi umano ito VIP treatment.

Bago ang paglilipat, dinalaw si Revilla ng kanyang pamilya, kabilang ang kaniyang maybahay na si Rep. Lani Mercado, na nagsabing panalangin ang kanilang sandigan at maayos ang kalagayan ng dating senador.

Patuloy na nakapiit sa Quezon City Jail si Revilla at ang kanyang mga co-accused habang dinidinig pa ng Sandiganbayan ang kanilang kaso.