-- Advertisements --

Humiling si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na mag-inhibit o umatras si Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda sa pagdinig ng kasong malversation kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Naghain ang kampo ni Revilla ng urgent motion sa Sandiganbayan Third Division matapos igiit na may conflict of interest umano dahil si Justice Miranda ay kapatid ng abogado ng dating DPWH Secretary Roberto Bernardo, na ngayon ay state witness at posibleng tumestigo laban kay Revilla.

Tinugunan naman ni Justice Miranda ang mosyon at nilinaw na mula pa sa simula ay isiniwalat na niya ang naturang ugnayan kay Bernardo.

Aniya, ang kaso ay dumaan sa regular na raffle at walang batayan para sa kanyang mandatory inhibition, kaya patuloy niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin.

Dagdag ni Miranda, hindi naaapektuhan ng personal na ugnayan ang kanyang mga desisyon, at maingat niyang pag-aaralan ang mosyon upang matukoy kung may dahilan para sa boluntaryong pag-inhibit.

Ayon naman sa tagapagsalita ni Revilla na si Atty. Francesca Señga, mahalaga ang appearance of impartiality ng mga mahistrado, o dapat makita ng publiko na ang hukom ay walang kinikilingan, hindi lang sa gawa kundi pati sa anyo.

Samantala, sinabi ng prosekusyon na tututulan nila ang mosyon at tinawag itong delaying tactic, bagay na itinanggi ng kampo ni Revilla at iginiit na ito ay lehitimong paggamit ng kanyang karapatan bilang akusado.