-- Advertisements --

Aabot sa 910 na kaso ng dengue ang naitala sa Negros Oriental mula Enero hanggang Mayo 31 ngayong taon habang isa naman ang binawian ng buhay.

Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Noel Ferrero, Provincial health office dengue coordinator, sinabi nito na ang naturang datus ay mababa ng 25 porsyento kumpara noong nakaraang taon.

Aniya, kabuuang 1,208 na kaso ang naitala sa lalawigan at 4 ang nasawi sa parehong period noong 2024.

Sinabi pa ni Ferrero na karamihan sa mga naapektuhan ng dengue sa lalawigan ay may edad isa hanggang 10 taong gulang.

Nangunguna naman sa may pinakamataas na kaso ngayong taon ay ang bayan ng Siaton, na sinundan ng Tanjay City, Dumaguete City, Mabinay, at Bayawan City.

Bagama’t bumababa sa kasalukuyan ang trend ay inaasahan na umano nilang magkakaroon ng increasing trend sa mga kaso ng dengue.

Sa ngayon umano ay wala naman silang na-detect na clustering cases sa alinmang barangay sa lalawigan o makapagtala ng kaso sa barangay sa loob ng 1 hanggang 2 linggo.

Paalala pa nito sa publiko na sundin palagi ang mga gabay at rekomendasyon ng mga awtoridad sa kalusugan at humingi ng tulong medikal kung makakaranas ng sintomas ng dengue.

Samantala, nagsasagawa na umano sila ng mga hakbang upang maiwasan ang muling pagpasok ng malaria sa lalawigan matapos matuklasan ang ilang lugar na mayroong anopheles mosquito na siyang nagdala ng sakit na ito sa mga tao.

Nabatid na idineklara nang malaria-free mula noong 2012 ang Negros Oriental.