-- Advertisements --

Nagpaalala si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa mga dayuhang turista na igalang ang mga Pilipino at sundin ang batas ng Pilipinas, kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang foreign vloggers dahil sa nakakasakit at nagbabanta umanong online content.

Isa rito ang inaresto sa Dumaguete City na Estonian vlogger na si Siim Roosipuu matapos ideklarang persona non grata sa Negros Oriental. Kinasuhan siya dahil sa harassment, ilegal na pagkuha ng video, mapanirang pahayag, at content na nangmamaliit sa mga Pilipino, kabilang ang isang video kung saan tinawag niyang parang mga unggoy ang mga Pilipino.

Ayon kay Remulla, overstaying na si Roosipuu at mahaharap sa kaso sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act at Cybercrime Prevention Act.

Samantala, inaresto naman sa Quezon City ang Russian vlogger na si Nikita Chekhov matapos mag-viral ang kanyang mga video na nagbabanta umano siyang ikakalat ang HIV at minumura ang mga Pilipino.

Nilinaw naman ng DILG na negatibo ang Russian vlogger sa HIV at iba pang sexually transmitted disease (STD) at ginawa lamang ang mga pahayag para magpasikat.

Binigyang-diin ni Remulla na mahalaga ang turismo sa ekonomiya ngunit hindi palalampasin ng gobyerno ang pang-aabuso ng mga dayuhan sa hospitality ng bansa.