Naglabas ng babala ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa inaasahang pagdami ng mga kaso ng panloloko sa internet kasunod ng pagpapatupad ng 4-day work week at work-from-home na set-up sa ilang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay PNP-ACG Director Police Brig. Gen. Wilson Asueta, malaki ang posibilidad na samantalahin ng mga sindikato ang mas mahabang oras na ilalaan ng mga empleyado sa online platforms habang sila ay namamalagi sa kani-kanilang mga bahay.
Paliwanag ni Asueta, inaasahang tataas ang aktibidad sa online shopping at pagpapa-deliver ng mga produkto dahil mababawasan ang araw ng paglabas ng mga manggagawa.
Matatandaang epektibo na ang pinaikling araw ng pagpasok sa mga opisina ng ilang kawani ng gobyerno bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtipid sa konsumo ng enerhiya.
Bukod sa pamimili sa internet, mahigpit ding pinag-iingat ng otoridad ang publiko sa mga naglipanang pekeng accommodation at tour packages ngayong papalapit ang Semana Santa.
Batay sa huling tala ng PNP-ACG, umabot na sa 29 na kaso ng scam na may kaugnayan sa bakasyon ang kanilang nairehistro mula pa lamang noong buwan ng Enero hanggang Pebrero.
Bunsod nito, pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri bago maglabas ng pera sa anumang transaksyon sa internet.















