-- Advertisements --

Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga nabibiktima ng online scam ngayong holiday season ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Ayon kay Usec. Renato Paraiso, executive director ng CICC, mas marami rin ang kanilang nahuli ngayong 2025 kumpara noong 2024.

Kabilang sa mga karaniwang scam na naitala ay online shopping scam, delivery scam, travel scam, at love scam.

Batay sa datos, bumagsak nang halos 95% ang mga text at call scam mula mahigit isang milyon na insidente noong 2024 tungo sa mahigit 65,000 ngayong taon.

Gayunpaman, lumipat ang mga scammer sa social media at messaging apps kung saan dumarami ang mapanlinlang na link.

Sa unang quarter ng 2025, nakapagtala rin ang CICC ng higit 3,200 cybercrime complaints, mas mataas kumpara sa huling bahagi ng 2024.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Paraiso ang publiko na mag-ingat at huwag basta-basta magtiwala sa mga online transaksyon lalo na ngayong kapaskuhan.