Dismayado si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos makita ang mga hindi pa tapos na proyekto sa Bicol Region, kabilang ang mga ipinagkatiwala sa mga kontrobersyal na kontratista.
Sinalubong kasi si Dizon ng dalawang malaking poste ng Malabog Flyover, na sinimulang itayo noong pang 2021.
“Clearly pinabayaan, obvious naman. Inabando na,” ani Dizon.
Nabatid na nmayroong P159 million budget ang proyekto kung saan 12% lamang ng 700-meter ng flyover ang natapos.
Napag-alaman na ang HI-TONE Construction and Development Corp., na pag-aari ni Christopher Co, at ng Alpha and Omega General Contractor and Development Corp. na pag-aari ng mga Discayas ang humawak sa proyekto.
Si Co ay kapatid ng dating kongresista at ngayo’y pugante na si Zaldy Co.
Ani Dizon, parehong kabilang ang dalawang kumpanya sa 15 kontratistang umano’y kumontrol ng halos 20% ng flood control projects sa buong bansa.
Inihayag pa ng DPWH chief na ire-rebid ang flyover project sa bagong kontratista sa Pebrero.
Nababahala naman si Dizon sa Bicol Regional Medical Center sa Daraga, Albay. Simula nang magsimula ang konstruksiyon noong 2023, apat lamang sa 10 palapag ang natapos.
“I will have to talk to the DOH kung ano yung binago. Seven months is too long for a design revision—masyadong matagal,” pahayag ng DPWH chief.
Aabot kasi sa P3.5 billion ang budget ng nasabing ospital na ayon kay Dizon ay naantala dahil sa design changes, ngunit binigyang-diin ng opisyal na masyado nang mahaba ang taon ng pagkakaantala ng ospital.
Dahil dito iniutos ni Dizon sa mga kontratista ng ospital na pabilisin ang pagtatapos nito sa susunod na taon.
Bukod dito, iniutos pa ni Dizon ang mabilisang pag-aayos ng bahagi ng Maharlika Highway sa Albay bago dumating ang Holy Week, upang maiwasan ang matinding trapiko.















