Nagsanib pwersa ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center at Global Anti-Scam Alliance (GASA) upang labanan ang talamak na online scams sa bansa.
Kasunod ito ng isinagawang paglagda ng isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng dalawang grupo.
Ang GASA, o Global Anti-Scam Alliance, ay isang international nonprofit organization. Sila ay nakatuon sa pagsugpo sa iba’t ibang uri ng scam na laganap sa buong mundo.
Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng public awareness o kaalaman ng publiko, pagbabahagi ng impormasyon, at pagtataguyod ng mas matibay na international cooperation o pagtutulungan sa pagitan ng mga bansa.
Sa pamamagitan ng kasunduang nilagdaan, ang CICC ay magsisilbing advisor sa GASA Philippine Chapter Advisory Board.
Ang papel na ito ng CICC ay makakatulong upang mas mapabilis ang palitan ng impormasyon.
Bukod pa rito, mapapadali rin ang pagbabahagi ng mga research findings at best practices o mga epektibong pamamaraan sa pag-detect at pag-pigil ng mga online scams.
Kabilang din sa Memorandum of Understanding (MOU) ang paglulunsad at pagsasagawa ng mga joint projects o pinagsamang proyekto.















