-- Advertisements --

Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na mas nagiging sopistikado ang love scams dahil sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at deepfake technology.

Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso, nagagamit na ng mga scammer ang deepfake filters sa real-time na komunikasyon, kaya mahirap nang matukoy kung totoong tao o AI ang kausap. Payo niya, dapat magduda kung tumatangging makipagkita nang personal ang kausap.

Dahil sa advanced na teknolohiya, mas dumarami na rin ang mas batang biktima. Binigyang-diin ni Paraiso na delikado ang “slow burn” love scams dahil bukod sa pinansyal na pagkawala, nagdudulot din ito ng matinding emosyonal at sikolohikal na pinsala.

may mga biktima rin aniyang hindi nagrereport dahil sa hiya, kaya hinihikayat ng CICC ang publiko na magsumbong at huwag matakot.

Tungkol sa SIM registration, sinabi ni Paraiso na nakatulong ito laban sa scams ngunit may mga butas pa rin sa sistema.

Nanawagan siya ng mas mahigpit na beripikasyon, tulad ng paggamit ng National ID, at pag-block sa mga numerong hindi makapagpapatunay ng tunay na pagkakakilanlan. (report by Bombo Jai)