Isinusulong ng Malacañang ang agarang pagpasa ng katapat na panukala ng Kamara kaugnay ng Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE), kasunod ng pag-apruba ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Senate Bill No. 1823.
Ang naturang panukala ay nagtatakda ng paglipat ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Marso patungo sa Setyembre 2026.
Binigyang-diin ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituring na prayoridad ang pagsasagawa ng halalan sa BARMM at tiyaking maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Lagdameo, nakikita ng Pangulo ang unang BPE bilang isang makasaysayan at mahalagang hakbang sa pagkumpleto ng political transition ng Bangsamoro. Aniya, ang pagkakaroon ng halal na parlyamento ay magpapatatag sa demokratikong awtonomiya ng rehiyon.
“The first BARMM parliamentary elections will be a historic moment not just for the region but for the entire nation. It is an opportunity for the Bangsamoro to shape their parliament directly and to prove that democracy here is strong,” saad ni Lagdameo, na muling idiniin ang naunang pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa niya, kabilang ang panukala sa mga prayoridad ng administrasyon na tinalakay sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Nauna na ring nagpahayag ang Pangulo na handa niyang sertipikahang urgent ang panukala kung kinakailangan upang matiyak ang maagap na pagpapatibay at implementasyon nito.
Iginiit ni Lagdameo na nais ng Pangulo na maisagawa ang halalan nang walang pagkaantala upang tuluyang makumpleto ang paglipat mula sa itinalagang interim authority patungo sa isang ganap na halal na rehiyonal na parlyamento, alinsunod sa peace framework na nakasaad sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Sa pag-apruba ng Senado sa Senate Bill No. 1823, na nagtatakda ng paglipat ng unang regular na halalan sa BARMM sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026, nanawagan ang Palasyo sa House of Representatives na madaliin ang pagpasa ng sariling bersyon ng panukala upang makapagsimula na ang mga paghahanda.
Samantala, inilarawan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang nalalapit na halalan bilang mahalagang pagsubok sa tibay ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.
Iginiit niya na ang pangmatagalang katatagan ay dapat nakabatay sa isang kapani-paniwala at malinaw na mandato mula sa taumbayan.
Nagpasalamat si Zubiri sa suporta ng kanyang mga kapwa senador sa nagkakaisang pag-apruba ng panukala, at tinawag itong “one step forward to achieving peace in the Bangsamoro region.”
Aniya, ang matagumpay na pagsasagawa ng halalan ay magiging hudyat ng ganap na paglipat tungo sa isang demokratikong halal na parlyamento sa rehiyon.
Nanindigan ang Malacañang na mahalaga ang agarang aksyon ng Kamara upang matiyak na maisasagawa ang unang regular na BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 2026, na inilarawan ng Pangulo bilang isang mahalagang yugto sa demokratikong kasaysayan ng Bangsamoro at ng buong bansa.
















