Itinalaga si Atty. Jeremy Lotoc bilang bagong Regional Director ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 8.
Ibinahagi ang naturang balita sa pamamagitan ng pagkumpirma ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez matapos ang pagpupulong at pagtanggap sa bagong opisyal ng ahensya.
Bago ang kaniyang bagong pwesto sa Eastern Visayas, nagsilbi si Lotoc bilang Regional Director ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at naging hepe rin ng NBI Cybercrime Division.
Magugunitang naging pangunahing bahagi rin si Lotoc sa mga pambansang usapin matapos siyang tumayo bilang ikalawang testigo ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Hulyo 2026.
Kasunod ng kaniyang pagkatalaga bilang bagong Regional Director ng NBI Region 8, muling nabigyang-diin ang malawak at makulay na karera ni Lotoc.
Bago pumasok sa legal profession, nagtrabaho muna si Lotoc bilang OFW, tumulong sa negosyo ng pamilya, at nagsilbi rin bilang isang pastor.
Opisyal siyang naging abogado matapos ipasa ang Philippine Bar Examinations noong 2012 at opisyal na pumasok sa roll of attorneys noong 2013.
May mahigit 12 taon na siyang naglilingkod sa NBI kung saan umangat siya sa iba’t ibang antas ng pamumuno.
Noong Pebrero 2023, itinalaga siya bilang hepe ng NBI Cybercrime Division kung saan pinangasiwaan niya ang mga imbestigasyon ukol sa cybercrime offenses sa ilalim ng Republic Act 10175 at iba pang mga high-profile ICT-related cases.
Bago ang kaniyang kasalukuyang posisyon sa Eastern Visayas, nagsilbi na rin si Lotoc bilang Regional Director para sa MIMAROPA at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan din niya noong Nobyembre 2024 ang imbestigasyon ng NBI sa umano’y pagbabanta sa buhay ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa ilalim ng probisyon ng NBI Reorganization Act o RA 10867.















