Nakapagtala ng 99.9% accuracy rate ang resulta ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), batay sa isinagawang Random Manual Audit (RMA) ng Commission on Elections (COMELEC)
Ayon sa poll body, nakabatay ang resulta sa pagsusuri ng 21 napiling clustered precincts upang ikumpara ang bilang ng mga boto sa automated election system at manu-manong pagbibilang.
Umabot sa 100% ang accuracy rate para sa mga political party na lumahok sa halalan, habang nakapagtala naman ng 99.99% para sa mga kinatawan ng parliamentary districts.
Matatandaang idinaos noong Setyembre 14 ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM, kung saan umabot sa 84.34% ang voter turnout o mahigit dalawang milyon sa 2.39 milyong rehistradong botante.
Nakatakdang maupo sa Oktubre 30 ang 80 bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament, na siyang pipili ng susunod na Chief Minister ng rehiyon.
Magsisilbi ang mga bagong halal na opisyal sa loob ng limang taon hanggang Hunyo 30, 2031.
















