Sumampa na sa ₱4.8 billion ang kabuuang halaga ng mga ari-arian na na-freeze ng pamahalaan kaugnay sa iniimbestigahang flood control scam.
Kabilang sa mga tinututukan ngayon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay ang nasa 28 water assets, kasama na ang ilang yate, na pinaniniwalaang nabili gamit ang pondo ng bayan.
Kinumpirma ni Undersecretary Aboy Paraiso, Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at pinuno ng Technical Working Group ng ICI, na ang mga naturang sasakyang pandagat ay sakop na ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Bagama’t hindi pinangalanan ang mga may-ari, nilinaw ni Paraiso na mahigpit na ang pakikipag-ugnayan nila sa Maritime Industry Authority (MARINA) para sa beripikasyon at posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga kukumpiskahing sasakyan.
Nagbabala rin ang opisyal sa mga indibidwal na sangkot sa anomalya na walang silbi ang pagtatago ng kanilang mga yaman.
Aniya, gamit ang makabagong teknolohiya at digital na imbestigasyon, tiyak na matutunton at babawiin ng gobyerno ang bawat sentimong ninakaw mula sa pondo ng mga proyektong pambaha.















