Naglunsad nitong Biyernes ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng panibagong kampanya laban sa mga hindi rehistradong online lending platforms, kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nabibiktima ng ilegal na pautangan sa internet.
Mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon, nakatanggap ang CICC ng halos 600 reklamo — mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Gayunman, naniniwala si CICC Executive Director Renato “Aboy” Paraiso na marami pa ring kaso ang hindi naiuulat.
Ayon sa CICC, marami sa mga mapanlinlang na online lending scheme ang gumagamit ng online promotions na direktang nagdadala sa website imbes na lehitimong app, na may automatic authorization o auto-collection features.
Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng access ang scammers sa contact list o social media accounts ng biktima, na ginagamit sa pananakot at pangha-harass.
“Hindi mo balak mangutang, pero magpa-pop up sa social media mo. Kapag na-click mo, automatic authorized na pala ang pag-share ng Facebook details mo,” paliwanag ni Paraiso.
“Hindi dapat ganun, may consent form dapat.”
Dagdag pa niya, dapat din daw mag-ingat ang publiko sa mga pautang na tila mababa ang interes ngunit may mga hidden charges.
Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), hindi dapat lumampas sa 15 porsiyento kada taon ang kabuuang singil, kasama ang interes at iba pang fees.
“If it’s too good to be true, it’s not true,” paalala ni Paraiso.
Mas Mahigpit na Pagpapatupad ng Batas
Nakikipag-ugnayan ang CICC sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at National Bureau of Investigation upang tugisin ang mga sindikatong nasa likod ng mga scam.
Ayon kay Paraiso, kahit nasa ibang bansa ang operasyon at pondo ng mga ito, mananagot ang mga lokal na kolektor.
“Syndicated estafa ’yan, non-bailable ’yan. So just try us,” babala niya.
Isa sa mga messaging apps na madalas umanong gamitin ng mga abusadong collection agent ay ang Telegram, dahil hindi madaling matukoy ang cellphone number ng account holder.
Nauna nang nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na maaari nitong ipagbawal ang Telegram kung hindi ito makikipagtulungan sa pagpigil sa mga krimen sa platform. Gayunman, ayon kay Paraiso, pumayag na umano ang kumpanya na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matukoy at ma-block ang mga cybercriminal.
Tiniyak naman ng CICC na ang kanilang target ay mga kriminal lamang.















