Tinanggal na ng Department of Information and Communications Technology’s (DICT) Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang pag-ban sa messaging platform na Discord.
Sa naging press conference na isinagawa ng ahensya, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda, na nakipag-ugnayan na ang Discord sa kanilang pamunuan.
Dagdag pa ni Aguda sa naganap na presscon sinabi nitong nakipag-ugnayan na ang Discord sa DICT at CICC at nangakong magsasagawa ng mabilis na aksyon at hakbang upang higit na mapalakas ang posisyon ng kaligtasan ng mga kabataan.
“They also recognized and acknowledged na merong kailangan ayusin at paghigpitan sa kanilang mga polisiya.”
Humingi naman ng paumanhin si DICT Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, executive director ng CICC sa abala ng mahabang oras na hindi nagamit ang Discord.
“Humihingi ako ng pasensya sa lahat ng naapektuhan at mga naabala sa ilang oras na ban ng Discord sa bansa. Inaayos na namin ang lahat kaagapay ang Discord,”
Inihayag ng messaging platform na Discord sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pagpapatupad ng kanilang bagong feature na Global Teen Experience upang paigtingin at mas matiyak na ang mga menor de edad ay nakakapasok lamang sa mga espasyong angkop para sa kanilang edad.
Ayon kay Discord Senior Public Policy Advisor Vasundhara Singh, layunin ng bagong feature na protektahan ang mga kabataang gumagamit ng kanilang app mula sa mga hindi angkop na nilalaman at pakikipag-ugnayan online.
















