-- Advertisements --

Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga kalalakihan, partikular na sa mga matatanda at byudo, na maging mas alerto sa social media matapos lumabas na sila ang madalas na puntirya ngayon ng love scam.

Sa datos na inilabas ni CICC Executive Director Usec. Aboy Paraiso sa isang forum sa Quezon City, nabatid na karamihan sa mga reklamong natatanggap ng kanilang ahensya ay mula sa mga lalaking nabibiktima ng panloloko online.

Mula noong Enero 9 hanggang Pebrero 6, nakapagtala na ang CICC ng 18 kaso ng nasabing modus, kasabay ng pagpasok ng buwan ng mga puso.

Ayon sa imbestigasyon, ginagamit ng mga scammer ang tinatawag na seducer at escort archetypes upang makapanloko.

Karaniwang gumagamit ang mga suspek ng mga kaakit-akit ngunit pekeng larawan upang makuha ang atensyon ng biktima.

Sa ibang mga insidente, nagpapakilala ang mga ito bilang escort na pumapayag sa personal na pagkikita ngunit hihingi muna ng pera bago tuluyang maglaho.

Dahil dito, mahigpit na ipinapayo ng CICC ang pagpapairal ng zero trust policy sa internet.

Paalala ng ahensya, huwag basta magbibigay ng personal na impormasyon sa mga nakikilala lamang online at agad i-report ang anumang kahina-hinalang transaksyon sa hotline 1326.