-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga online romance o love scam na gumagamit ng pangalan at awtoridad ng ahensya upang lokohin ang mga biktima at hingan ng pera.

Kasunod ito ng inireklamo ng isang babae sa BI upang beripikahin ang isang email na umano’y ipinadala ng isang opisyal ng immigration kaugnay sa delivery ng isang parcel mula sa ibang bansa.

Ayon sa BI, nakasaad sa email na ang package na ipinadala ng diumano’y dayuhang nobyo ng babae ay “na-intercept” ng “Bureau of Immigration under the Ministry of Interior” at kinakailangang magbayad upang ito ay mailabas.

Mariing itinanggi ng BI na galing sa kanila ang email message at iginiit na ito ay bahagi ng isang love scam.

Nilinaw ng ahensya na hindi ito saklaw ng anumang “Ministry of Interior” at wala itong kapangyarihang humarang ng mga parcel, magproseso ng delivery, o maningil ng bayad para sa pagpapalabas ng anumang mga package.

Ang insidente ay iniendorso na sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa mas malalim na imbestigasyon.

Nakikipag-ugnayan na din ang BI sa iba pang ahensya ng gobyerno upang matugunan ang mga kahalintulad na panloloko.

Hinimok naman ng ahensya ang publiko na maging mapanuri sa pakikipag-ugnayan sa mga online acquaintance, lalo na sa mga humihingi ng pera o nagsasabing may ipinadalang package na nangangailangan ng bayad sa gobyerno.