Pormal nang naghain ng kanyang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ngayong Lunes kaugnay ng kinakaharap nitong reklamong plunder.
Sa isang interview, kinumpirma ni Bonoan ang pagsusumite ng kanyang sagot sa mga akusasyon.
Kabilang sa mga respondents sa naturang reklamo sina Senator Jinggoy Estrada, at mga dating opisyal ng DPWH na sina Undersecretaries Maria Catalina Cabral at Roberto Bernardo, Regional Director Gerard Opulencia, at District Engineer Henry Alcantara.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang kaso ay sumasaklaw sa umano’y acquisition of ill-gotten wealth na nagkakahalaga ng mahigit P50 milyon na nakuha sa pamamagitan ng serye ng mga transaksyon.
Sa kabila ng nakataas na Immigration Lookout Bulletin Order, inihayag ni Bonoan na plano niyang bumalik sa United States.
Kinumpirma rin nito na nakapagpagpaalam na ito at pinayagan siya.
Matatandaang umalis si Bonoan patungong US noong November 2025 para samahan ang asawa sa isang medical procedure at bumalik sa bansa noong January 18, 2026.
Mariin namang itinanggi ni Bonoan ang paratang na tumanggap siya ng mahigit P2 bilyong kickbacks mula sa mga proyekto ng gobyerno.
















