Inatasan ng Manila Regional Court Br. 52 ang Bureau of Immigration na huwag nang mapahintulutan makalabas pa ng bansa ang mga respondents sa ‘plunder case’ may kinalaman sa maanomalyang mga proyekto ng flood control.
Sa dokumentong ibinahagi ng Department of Justice, nakasaad sa kautusan ng korte nitong ika-10 ng Pebrero sa kasalukuyang taon na pigilan nang makaalis ng Pilipinas ang mga ito.
Ipinalalagay o ipinasasama na rin sila sa Hold Departure List ng nabanggit na opisina batay sa inilabas na kautusan inisyu ng presiding judge na si Juan G. Rañola Jr.
Tinukoy sa mga hindi pinaalis ng bansa ay partikular sina Sen. Jinggoy Estrada, former DPWH Sec. Manuel Bonoan, Ex-Usec. Roberto Bernardo, Gerard Opulencia at Henry Alcantara.
Ayon kay Department of Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang pag-iisyu ng ‘precautionary hold departure order’ ay kasunod nang makakita ang korte ng probable cause o posibleng dahilan para paniwalaang mga respondents ay maaring tumakas para hindi maaresto.
Magugunitang kahapon lamang din ay isinagawa ang preliminary investigation kauugnay sa reklamong plunder na kinakaharap ng mga nabanggit na respondents.
Kung saan humarap dito ang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways na si Manuel Bonoan.
Ayon kay former Sec. Bonoan, nagsumite siya ng counter-affidavits ukol sa reklamong plunder na isinampa laban sa kanya ng National Bureau of Investigation – Department of Justice Public Works and Bid Rigging Task Force.
Samamantala, ang Bureau of Immigration nama’y kinumpirmang natanggap na ang kautusan ng korte mapigilan ang pag-alis ng mga respondents.
Sa mensahe ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval kanyang sinabi na nailagay na ang ‘precautionary hold departure order’ sa centralized database ng kawanihan.
Kasalukuyan na rin aniya itong ipinatutupad na naturang ahensiya.















