Labis ang pagkadismaya ng mga pamilya ng biktima ng war on drugs matapos hindi siputin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) nitong Lunes.
Iginiit ni Atty. Joel Butuyan, abogado ng mga biktima, na mahalagang bahagi sana ng hustisya ang pagharap ng dating pangulo sa mga reklamong crimes against humanity na inihain laban sa kanya.
Kasabay nito, umapela ang abogado sa tribunal na huwag ibasura ang kaso dahil ito na lamang umano ang natitirang recourse ng mga naulila matapos aminin ng mismong gobyerno ng Pilipinas na mahirap patunayan ang kaso sa lokal na sistema.
Lumiban si Duterte sa pagdinig dahil sa paninindigang hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.
Batay sa rekord ng gobyerno, nasa 6,200 ang napatay sa anti-drug operations, ngunit tinatayang aabot sa 30,000 ang bilang ayon sa human rights groups.
















