-- Advertisements --

Nagbigay ng babala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga small and medium enterprises (SMEs), tungkol sa isang bagong pamamaraan ng panloloko na ginagamit ng mga cybercriminal.

Ang bagong modus na ito ay gumagamit ng sopistikadong teknolohiya na tinatawag na deepfake.

Ayon sa CICC, ang panlolokong ito ay higit pa sa karaniwang phishing, kung saan sinusubukan lamang na kunin ang sensitibong impormasyon sa pamamagitan ng mga pekeng email o website.

Sa halip, gumagamit na ang mga cybercriminal ng deepfake impersonation, kung saan ginagaya ng artificial intelligence (AI) ang boses at mukha ng mismong mga may-ari ng negosyo.

Pangunahing layunin nito na lokohin at manipulahin ang mga empleyado ng SME.

Sinasamantala nila ang teknolohiya upang makakuha ng sensitibong impormasyon ng kumpanya, tulad ng mga password o financial details, o kaya naman ay para mapapayag ang mga empleyado na mag-apruba ng mga pekeng fund transfers o paglilipat ng pondo.

Bilang paalala, binigyang-diin ng CICC na napakahalaga na maging mapanuri at alerto ang lahat ng empleyado.