Hinimok ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko na huwag lamang isantabi ang karanasan sakaling mabiktima ng ‘online scam’.
Sa pahayag mismo ni Usec. Renato ‘Aboy’ Paraiso, executive director ng ahensya, kanyang hinikayat ang mga Pilipino na ito’y isumbong sa kanilang tanggapan.
Kung saan, bukas aniya ang itinalagang hotline number na 1326 para sa publiko sa oras na sila’y mabiktima ng scam o di’ kaya’y makapansin ng kahina-hinalang bagay.
Ngunit aminado siyang kinakailangan pa nila itong mas pagbutihin sapagkat kakaunti lamang raw ang nagre-report ng insidente.
Aniya’y ang ilan raw kasi ay di’ ganun katiwala na mareresolba pa ang nawalang pera o ang naranasang ‘scamming’ sa online.
Kaya naman ibinahagi ng naturang opisyal na importante ang ‘trust mechanism’ ng hotline na siyang layon makapagbigay ng kadyat na ‘feedback’ sa loob ng 24 na oras.
Habang kanyang ipinagmalaki naman ang matibay na koordinasyon sa iba’t ibang mga ahensiya para labanan ang mga ‘online scamming’ at isyu tinutukan ng tanggapan.
Mas pinaigting na aniya raw ito sa ngayon kumpara noon na siyang sa kasalukuyan ay katuwang ng CICC ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation o NBI.
Samantala sa kabila ng mga isyung pampolitikal na mainit na usapin sa kasalukuyan, ibinahagi ng Co-Founder ng Scam Watch Pilipinas na si Jocel De Guzman na dapat di’ isantabi ang patungkol sa scamming.
Naniniwala siyang kinakailangan rin itong matutukan at mapaalalahanan ang publiko hinggil rito lalo pa’t nalalapit ng muli ang kapaskuhan.
















