-- Advertisements --

Nagbigay babala ang Bureau of Immigration sa publiko patungkol sa patuloy na naitatalang mga kaso ng panloloko o scam sa mga Pilipino.

Ayon kasi sa kawanihan, may bagong umusbong na modus nambibiktima ng mga Pilipino para sumali sa ‘stock market related scams’.

Anila’y ang mga biktima ay aatasan mag-solicit sa kapwa Pilipino para mag-invest sa tinatawag na ‘stock trading platforms’ o ‘pseudo investment accounts’.

Bagama’t mistulang lehitimo, ito nama’y kontrolado ng mga sindikatong kriminal.

Batay sa imbestigasyon, ang mga biktimang bigo makamit ang arawan na ‘quota’ o tatanggi sa utos ay nakararanas ng pisikal, sikolohikal na pang-aabuso.

Maging ang pangto-torture, pananakot, at pagkakait ay ginagawa din para sila’y sapilitang sumunod sa iniuutos ng sindikato.

Kung kaya’t mariing nagbabala si Bureau of Immigration Comm. Joel Anthony Viado sa publiko na ang mga sindikatong ito’y pinagsasamantalahan ang tiwala ng mga Pilipino at mauto sa kanilang pampinansyal na hangarin.