-- Advertisements --

Magpupulong ang mga senador sa isang caucus upang maglatag ng mga “ground rules” para sa possibleng pakikipag-usap sa Chinese Embassy kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang pagsasagawa ng mga sendor ng caucus na layuning magtakda ng malinaw na mga parametro kung paano haharapin ang sensitibong isyu nang hindi nagkakasakitan o nagkakaalitan ang mga mambabatas. Aniya, maari din umanong makilahok ang minority bloc sa caucus kung kanilang nanaisin.

Matatandaan nauna nang binuksan ni Lacson ang posibilidad ng isang maayos na pag-uusap sa pagitan ng mga senador at ng Chinese Embassy sa Manila matapos na ihayag ni Ambassador Jing Quan ang kahandaang makipagdayalogo sa mga lider na Pilipinas upang maibsan ang tumitinding palitan ng mga pahayag kaugnay sa WPS.

Kaugnay nito, binigyang-diin naman ng senador na tungkulin ng pamahaalan, lalo na ng Armed Forces, na tiyakin ang seguridad at proteksyon ng mga Pilipinong naninirahan sa Pag-asa Island, na may tinatayang 400 hanggang 500 na residente kabilang ang mga bontante at mag-aaral.